Inaasahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng bilang ng mga aksidente sa kalsada at mga insidente ng pagkalunod ngayong 2026 Holy Week kumpara sa nakalipas na taon.
Ito ay dahil sa tinatayang pagbaba ng bilang ng mga bibiyahe dahil sa mataas na presyo ng produktong langis dulot ng nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
Sinabi ni PNP Spokesperson, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, na lumubo sa 919 na katao ang nasawi noong nakalipas na taon dahil sa reckless imprudence, na malayong mas mataas kumpara sa mahigit 800 lamang noong 2024.
Batay naman sa datos ng PNP Maritime Group, aabot sa 151 drowning incidents ang naitala ng Pulisya noong isang taon habang aabot lamang sa 90 kaso ang nairehistro noong 2024.
Giit ng PNP spokesperson, kapansin-pansing na ang mas mababang bilang ng mga biyahe palabas ng Maynila dahil sa ilang mga kumpaniya ang hindi na muna namasada dahil sa mataas na presyo ng langis.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng heneral na patuloy na babantayan ng pulisya ang mga insidente ng pagkalunod at mga aksidente sa kalsada.
Giit ng opisyal, mananatiling nakataas ang alerto sa hanay ng PNP, kasama ang pagdedeploy ng sapat na manpower sa iba’t-ibang lugar.
















