-- Advertisements --

Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan lamang sa 10,000 items ang mga ebidensyang maaaring iharap ng prosekusyon sa kaniyang kasong crimes against humanity of murder.

Inilabas ang naturang desisyon sa gitna ng ikaapat na status conference ng kaso na personal na dinaluhan ng dating pangulo sa The Hague.

Bukod dito, tinanggihan din ng hukuman ang hiling ng depensa na muling isumite ng prosekusyon ang mga ebidensya sa isang bagong case file sa Judicial Workflow Platform (JWP), ang opisyal na digital system na ginagamit ng ICC sa pamamahala ng mga rekord.

Ayon sa mga kasong inihain ng mga tagausig ng ICC, nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga diumano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa bansa mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra droga.

Samantala, inihayag sa Bombo Radyo Roxas ni Atty. Gilbert Andres, isang accredited lawyer ng ICC, sa panayam ng Bombo Radyo Roxas na malaki ang magiging implikasyon ng desisyong ito sa mga susunod na hakbang na legal at sa mismong takbo ng nalalapit na paglilitis sa dating lider.