-- Advertisements --

Umabot sa 108 pamilya mula sa tatlong barangay sa Norala, South Cotabato ang naapektuhan ng pagbaha nitong Martes ng gabi, Oktubre 13, 2026, bandang alas-8:45.

Ayon kay PDRRMO Chief Rolly Doane Aquino, 50 pamilya ang naitalang apektado sa Barangay San Miguel, 50 sa Barangay Poblacion, at walo sa Barangay Lopez Jaena.

Apektado rin ang apat na purok sa Barangay B.S. Aquino Jr., kabilang ang Purok Legada, kung saan pinasok ng tubig-baha ang ilang kabahayan kasunod ng malakas na buhos ng ulan.

Dahil dito, nanawagan sina SK Chairman Joel Pineda at Rice Bowl Irrigators’ Association President Nevard Zambra sa lokal na pamahalaan at Sangguniang Bayan na maglaan ng pondo para sa pagpapatayo ng maayos na drainage system upang masolusyunan ang paulit-ulit na problema sa baha.

Ipinaliwanag naman ni Barangay Kagawad Simplicio Relator na malakas na pag-ulan ang pangunahing sanhi ng pagtaas ng tubig, at pinalalahanan niya ang mga residente na manatiling alerto at agad na lumikas patungo sa mas ligtas na lugar kung kinakailangan.