Hihingi ng interbensyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) mula sa Supreme Court at Kongreso upang palakasin ang mga hakbang laban sa mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan kasunod ng kaganapan sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nais niyang pahintulutan ng Korte Suprema ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng inspeksyon sa mga tahanan ng mga kwalipikadong may-ari ng baril upang matiyak ang tamang pag-iimbak ng mga armas.
Inihayag ng kalihim na sa tatlong insidente ng school shooting ngayong taon, mga rehistradong baril na pag-aari ng mga kawani ng pamahalaan ang ginamit, kung kaya’t dapat magkaroon ng direktang pananagutan ang mga gun owner sa tamang pag-iingat nito.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang DILG sa Department of Justice (DOJ) para sa ihahain na petisyon sa Korte Suprema, habang nanawagan din sa mambabatas na amyendahan ang mga umiiral na batas ukol sa gun ownership at liability.
Bukod sa usapin ng baril, nais din ni Remulla na matugunan ang impluwensya ng social media at mga online community tulad ng “true crime” groups sa mga kabataan na posibleng nag-uudyok ng karahasan.
Nakatakdang makipagpulong ang pamunuan ng DILG sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at posibleng humingi ng aksyon sa Kongreso para sa mas mahigpit na proteksyon sa mga bata online, kabilang ang paglilimita sa social media access ng mga menor de edad.
















