Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na walang napaulat na “major incidents” sa kabuuan ng mahigit 13 oras na prusisyon ng imahen ng Hesus Nazareno ngayong Biyernes Santo, Abril 3, na nagsimula alas-11:30 ng gabi ng Huwebes Santo, Abril 2.
Sa isang statement, sinabi ng pambansang pulisya na matagumpay na nasiguro ang kaligtasan at seguridad ng prusisyon na dinaluhan ng mahigit kalahating milyong deboto.
Ayon sa PNP, nasa kabuuang 3,169 PNP personnel ang idineploy para magbigay ng tuluy-tuloy na coverage.
Nagpaabot naman si PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ng pasasalamat sa lahat ng mga police officer at publiko para sa kanilang kooperasyon, na nagresulta sa mapayapang at “incident-free” na pag-obserba ng Biyernes Santo sa Quiapo.
“Ipinapakita natin na kahit sa dami ng tao, kayang panatilihin ang kaayusan at kaligtasan. Our officers performed exceptionally, and the cooperation of the devotees was key to a peaceful procession,” saad ng PNP Chief.
Batay sa PNP, nirespondehan ng medical teams ang 397 minor incidents subalit walang napaulat na nasawi.
Sa kabuuan, natapos ng ligtas ang prusisyon, kung saan nakabalik ang andas sa Quiapo Church alas-12:52 ng tanghali ngayong Biyernes.
















