-- Advertisements --

Tinanggihan ng Sandiganbayan 6th Division ang mosyon ni dating kongresista Zaldy Co na baligtarin ang deklarasyong siya ay “fugitive from justice.”

Ayon sa korte, walang merito ang kanyang mosyon at ito ay inihain lampas sa itinakdang reglementary period.

Sa resolusyon, binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang patuloy na pagkawala ni Co at ang hindi niya pagsuko o pagbabalik sa bansa, sa kabila ng kaalaman sa kasong kinahaharap, ay malinaw na indikasyon ng kanyang intensyon na umiwas sa batas.

Idinagdag pa ng korte na hindi maaaring makinabang si Co sa anumang judicial relief habang siya ay pugante.

Nahaharap si Co sa kasong graft at non-bailable malversation of public funds, at una nang kinansela ang kanyang pasaporte noong Enero 2026 upang pigilan ang patuloy na pag-iwas sa mga awtoridad.

Sa kabila ng kanyang apela, nanindigan ang Sandiganbayan na walang batayan upang baligtarin ang naunang desisyon, kaya’t nananatiling “fugitive from justice” si Zaldy Co.