Ikinalugod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagkakaruon ng bagong Kamuning footbridge at bus station na una ng target na tapusin sana sa loob ng anim na buwan subalit kinayang tapusin ng apat na buwan.
Ito’y matapos inspeksyunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang inayos at pinagandang walkway o footbridge sa EDSA Kamuning Station na naglalayong gawing mas magaan ang biyahe ng mga commuter sa araw-araw.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang pagaanin ang biyahe ng tinatayang nasa 750,000 pasaherong gumagamit ng MRT at bus araw-araw.
Dagdag pa ng Pangulo, sisiguraduhin din nito ang maayos at tuloy-tuloy na maintenance ng mga bagong pasilidad.
Ang Kamuning Footbridge at Busway Station Project ay bahagi ng modernisasyon ng EDSA Busway System na isa sa pangunahng programang pampublikong transportasyon ng Department of Transportation na magkatuwang na ipinatutupad ng MMDA at DPWH.
Ito ay idinisenyo bilang intermodal transport system na magbibigay ng maayos at ligtas na access sa mga commuters.
Samantala, inakyat ni Pangulong Marcos Jr pati nina First Lady Liza Marcos at Presidential son Vinny Marcos ang lumang foot bridge na una ng binansagang Mount Kamuning foot bridge sa Quezon City.
Ayon sa Pangulo, hindi praktikal ang dating disenyo ng walkway kaya ito ay binago at naayos sa loob lamang ng apat na buwan, mas maaga kaysa sa anim na buwang target.
Mas mababa na ang hagdan at mayroon nang elevator at wheelchair lift para sa mga senior citizen, persons with disability, at iba pang hirap umakyat ng hagdan.
Inanunsyo rin ng Pangulo na aalisin na ang tinaguriang “Mt. Kamuning” na matarik na hagdan upang tuluyang mapalitan ng mas ligtas at mas accessible na daanan para sa mga commuter.
Sa statement ng Pangulo pagkatapos ng inspeksiyon, sinabi nitong ramdam na ramdam ang paggalaw ng lumang footbridge na aniyay ipatatanggal na sa mga susunod na araw.
Kasama din inispeksiyon ang bagong Kamuning bus station na bukod sa hagdan ay mayruon ding elevator na maaaring magsilbi sa mga pwd.
Nasa kabuuang P87 milyong piso ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa nasabing proyekto.
















