-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga mayor na gamitin ang makabagong teknolohiya at digital tools upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko at mapalakas ang mga komunidad sa harap ng mga bagong hamon sa mundo.

Ginawa ni Speaker Dy ang pahayag sa ginanap na general assembly ng League of Municipalities of the Philippines.

Ayon kay Speaker Dy na mahalagang suportahan ng mga lokal na opisyal ang adyenda ng administrasyon para sa digital governance sa ilalim ng “Bagong Pilipinas.”

Binanggit ni Dy ang eGov PH bilang halimbawa ng digitalisasyon sa gobyerno, na mayroon na umanong higit sa 40 milyong gumagamit at nagpapabilis sa pagkuha ng mga serbisyo tulad ng business permits at iba pang transaksyon.

Hinikayat din ni Speaker Dy ang mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalawak ang digital services sa mga munisipalidad.

Aniya, makatutulong din ang teknolohiyang gaya ng geo-mapping sa disaster preparedness dahil natutukoy nito ang mga lugar na madaling tamaan ng landslides, pagbaha, at lindol. 

Maaari rin itong magsilbing gabay sa pag-isyu ng development permits upang maiwasan ang sakuna at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mamamayan.