Tinanggihan ng Sandiganbayan ang petisyon para sa piyansa ng siyam na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kapwa akusado ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Nahaharap sila sa kasong malversation may kinalaman sa umano’y substandard na P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Sa 41-pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court na malakas ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon laban sa mga akusado.
Ayon sa Sandiganbayan, ang pag-apruba at sertipikasyon ng ilang opisyal sa mga disbursement voucher ang nagresulta sa paglabas ng P215 milyon pabor sa contractor na Sunwest, Inc.
Dagdag ng korte, may malinaw na ebidensya na pinayagan umano ng mga akusado ang contractor na makuha ang pondo sa pamamagitan ng mga hindi totoong pahayag sa ulat ng proyekto.
Nilinaw naman ng Sandiganbayan na ang pagtanggi sa piyansa ay hindi pa nangangahulugang nagkasala ang mga akusado, kundi batay lamang sa bigat ng ebidensyang isinumite para sa layunin ng pagdedesisyon sa piyansa.
















