-- Advertisements --

Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang gaming application ang umano’y ginamit ng mga naarestong espiya kamakailan upang makipag-ugnayan sa kanilang mga handler at makapagpasa ng sensitibong impormasyon nang hindi namo-monitor ng pamahalaan.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Philippine Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ang nasabing app na kahalintulad ng Tetris ay may naka-embed na communication feature.

Sa pamamagitan lamang ng paglalagay ng prompt o password, nagiging lihim itong messaging platform na ginagamit sa pagpapasa ng impormasyon.

Ayon sa AFP, ang ilan sa mga nahuling espiya ay nagtatrabaho sa Department of National Defense at Philippine Navy, habang ang isa naman ay may koneksyon sa Philippine Coast Guard.

Dahil dito, nanawagan ang National Security Council (NSC) sa mga ahensya ng gobyerno na higpitan ang vetting process, lalo na sa mga empleyadong may hawak ng sensitibong datos.

Ayon sa konseho, maaari ring ma-recruit maging ang matataas na opisyal bilang “agents of influence” na maaaring makaapekto sa paggawa ng mga polisiya.

Samantala, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na patuloy ang imbestigasyon sa umano’y espionage activities na inuugnay sa China.

Gayunman, nauna nang nanindigan ang Chinese Embassy sa Maynila na wala silang kinalaman dito at sinusunod nila ang prinsipyo ng non-interference sa internal affairs ng ibang bansa.