-- Advertisements --

Muling nagtaas ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa gitna ng pangamba sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Itinaas ng BSP ng 50 basis points ang key policy interest rate, mula sa dating 5%  at ngayon ay nasa 5.50% na.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., inaasahang lalo pang tataas ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado, pagtaas ng pamasahe, at posibleng epekto ng El Niño sa suplay at presyo ng pagkain.

Dahil dito, itinaas din ng central bank sa 6% ang forecast nito para sa inflation sa susunod na taon, mula sa dating 5.4%.

Inaasahan namang mananatiling mataas ang inflation sa 2027 bago unti-unting lumapit sa 3 percent na target ng BSP pagsapit ng 2028.

Samantala, inaasahan ng central bank na makababawi ang ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng 2027, sa tulong ng inaasahang pagtaas ng paggastos ng pamahalaan.

Gayunman, posibleng mas mahal ang maging epekto nito sa mga nangungutang, dahil maaaring tumaas ang interes sa mga pautang sa bangko.

Ito na ang ikaapat na pagtataas ng BSP sa interest rate ngayong taon, na may kabuuang dagdag na 125 basis points.

Tiniyak naman ng BSP na handa itong gumawa ng karagdagang hakbang kung kinakailangan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo at maibalik ang inflation sa target nito.