Isasagawa ngayong araw, Marso 12, 2026, ganap na 3:30 ng hapon ng Office of Civil Defense (OCD) ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa buong bansa.
Ayon kay Junie Castillo, tagapagsalita ng OCD sa panayam ng Bombo Radyo, layunin ng aktibidad na masanay ang publiko sa tamang kilos tuwing may lindol, partikular ang “duck, cover, and hold.”
Sa pagkakataong ito, binigyang-diin din ang kahalagahan ng continuity plans para sa pamilya, negosyo, at mga tanggapan upang matiyak ang pagpapatuloy ng operasyon matapos ang sakuna.
Ang ceremonial pressing of the button ay gaganapin sa Quezon City, habang ang rehiyonal na seremonya ay idaraos sa Aklan bilang host province.
Makikilahok ang mga lokal na pamahalaan, paaralan, pribadong sektor, at iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa sabayang pagsasanay.
Inaasahan na makatutulong ang drill upang mas maging handa ang bawat Pilipino sa posibleng sakuna, lalo na’t kamakailan lamang ay nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng ilang malalakas na lindol sa Luzon, Visayas at Mindanao noong nakaraang taon.
Ang sabayang pagsasanay ngayong araw ay nagsisilbing paalala na ang kahandaan at koordinasyon ng bawat sektor ay susi upang mabawasan ang pinsala at masagip ang buhay sa oras ng kalamidad.
















