Nagpatupad ang lahat ng korte sa Pilipinas ng apat na araw na on-site work at isang araw na work-from-home (WFH) simula ngayong araw ng Lunes, marso 9.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na i-adopt ang 4-day workweek para mabawasan ang konsumo ng langis sa gitna ng epekto ng nagpapatuloy na digmaan sa Middle East.
Nilinaw naman ng Korte Suprema na kailangang pa ring pumasok tuwing araw ng Biyernes ang nasa 25% ng empleyado sa bawat opisina o dibisyon, base sa napagpasyahan ng head of office, para matiyak ang patuloy na operasyon.
Ipinunto rin ng high court na hindi dapat maging dahilan ang bagong work arrangement sa kanselasyon o pagpapaliban ng alinmang naka-schedule na mga pagdinig, at dapat na magpatuloy base sa itinakda ng korte.
Inatasan din ang mga korte na i-adopt ang conservation practices gaya ng pagpapanatili ng air-conditioning sa 24 degrees Celsius, pagpatay sa office equipment kapag hindi ginagamit, bawasan ang paggamit ng elevator at ang pagsasagawa ng meetings online.
Hindi naman kabilang sa bagong work arrangement ang Sandiganbayan at ang Court of Tax Appeals.















