-- Advertisements --

Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na makumpleto ang inspeksiyon at audit sa flood control projects sa unang kwarter ng 2026.

Ayon kay DPWH spokesperson for legal matters USec. Ricardo Bernabe III, patuloy ang kanilang isinasagawang validation at masusing pag-inspeksiyon at document audit sa lahat ng 416 proyekto.

Matatandaang sinimulan ang proseso ng pag-validate sa mga proyekto noong nakalipas na taon matapos ibunyag mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga “palpak at guni-guni” lamang na mga flood control project kasunod ng naranasang matinding mga pagbaha sa bansa nang manalasa ang malalakas na bagyo.

Ipinakilala din aniya ang bagong mga proseso gayundin ang coordinates ng mga proyekto. Ayon kay Bernabe, ang mga pagbabago sa coordinates ay kailangan muna nang pag-apruba ni DPWH Secretary Vince Dizon.

Iniulat din ng DPWH official na walang bagong flood control projects ngayong taon dahil nakapokus ang ahensiya sa pagkumpleto sa lahat ng hindi pa natatapos na flood control projects.

Inihahanda na rin aniya ang masterplan para sa mga proyekto na ipapatupad sa 2027.