-- Advertisements --

Hindi inaalis ni Sen. Erwin Tulfo ang posibilidad na may mga indibidwal na nananamantala sa giyera sa Gitnang Silangan kaya’t nagkakaroon ng tuloy-tuloy at labis na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Inulit ng Senate Committee on Foreign Relations chairperson ang hinaing ng publiko na pangunahing nakakaranas sa epekto ng price hike. Tanong ni Tulfo, bakit agaran ang pagpapatupad ng price hike gayong mayroon ding reserve ang mga kumpaniya ng langis?

Tinanong din nito ang Department of Energy (DOE) kung akma pa rin ang itinataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, batay sa pagtaya at pagsusuri ng ahensiya.

Ayon kay DOE – Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, akma pa rin naman ang presyuhan, batay sa paggalaw ng presyo ng petroleum products bago ang giyera at matapos pumutok ang giyera.

Kabilang si Abad sa mga dumalo sa senate hearing ngayong araw (March 6) upang magpaliwanag sa epekto ng giyera sa Middle East dito sa Pilipinas.

Batay sa pagtaya ng DOE, posibleng aabot hanggang P80 o higit pa ang kada litrong presyo ng diesel sa susunod na lingo, batay sa resulta ng apat na araw na trading.

Maaari ring papalo sa P70 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ayon kay Dir. Abad, nakausap na nila ang mga malalaking petroleum companies na kung maaari ay staggered o paunti-unti na lamang muna ang pagpapatupad ng price hike.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng ahensiya ang kasagutan ng mga kumpaniya ngunit umaasa ang DOE na papayag ang mga ito kinalaunan.