-- Advertisements --

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga manager at personnel ng mga gasolinahan na masasangkot sa hoarding ng mga produktong petrolyo sa gitna ng pagsipa ng presyo bunsod ng epekto ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Sa isang statement ngayong Lunes, Marso 9, sinabi ni Gen. Nartataez na binabantayan ng kanilang intelligence units ang mga bodega dahil sa posibilidad ng hoarding at kapareho pang iligal na mga gawain.

Babala ng hepe ng pambansang pulisya na kanilang aarestuhin ang sinumang maaktuhang iligal na nagtatago ng suplay para mapataas ang presyo ng petroleum products.

Ayon sa PNP chief, nakatoka ang Criminal Investigation and Detection Group, Maritime Group at Highway Patrol Group para subaybayan ang posibleng aktibidad ng hoarding.

Sinimulan na rin aniya ng law enforcement agency ang pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para masuri kung tumatalima ang mga nagbebenta ng petroleum products sa kanilang nasasakupan sa direktiba ng Department of Energy (DOE).