Nanindigan ang Philippine National Police na walang VIP treatment kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan habang siya ay nagpapagaling sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ayon kay PNP chief Gen. Melencio Nartatez Jr. mahigpit nilang minomonitor ang kalusugan ng dating opisyal at sa oras aniya na “medically cleared” na ito ay agad siyang iti-turn-over sa kaukulang judicial authorities.
Inatasan na rin ng PNP chief ang PNP Health Service at ang Criminal Investigation and Detection Group na panatilihin ang full transparency, ipatupad ang mahigpit na seguridad at tiyaking walang espesyal o VIP treatment sa dating opisyal.
Matatandaan sumuko si Bonoan sa CIDG noong Lunes subalit habang sumasailalim sa booking procedures, tumaas ang kaniyang blood pressure, kayat dinala siya sa PNP General Hospital.
Samantala, sinabi naman ni Gen. Nartatez na magsasagawa ng independent medical assessment ang PNP Health Service sa kondisyon ni Bonoan habang ang CIDG naman ang magpapanatili sa kumpletong records ng kaniyang confinement sa ospital, treatment at mga galaw habang nasa kustodiya ng pulisya.
















