Nagpahayag ng pagkabahala at pagkagulat ang kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa desisyon ng Sandiganbayan na alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, walang pahayag mula kay Bonoan o anumang DPWH engineer o opisyal na nag-uugnay kay Romualdez sa iregularidad sa mga flood control project.
Sinabi ni Fajardo na nakakabahala ang pag-alis kay Bonoan sa kasong plunder at graft na kinakaharap nito kasama ang iba pang akusado, kabilang si Sen. Jinggoy Estrada.
Aniya, mula nang magsagawa ng preliminary investigation ang special panel ng Ombudsman laban kay Romualdez, walang naging alegasyon mula sa sinumang opisyal ng DPWH na nag-uugnay sa dating Speaker sa anomalya.
Wala rin umanong partikular na proyekto ng DPWH na tinukoy kung saan nakialam o gumamit ng impluwensiya si Romualdez upang paboran ang isang contractor.
Dahil dito, sinabi ni Fajardo na nakapagtataka kung bakit maaari nang maging testigo si Bonoan matapos itong alisin bilang akusado sa kaso.
Samantala, iginiit ni Fajardo na wala nang “credible evidence” laban kay Romualdez matapos bawiin ng limang tinaguriang “Maleta Boys,” kabilang ang pangunahing testigong si Orly Guteza, ang kanilang mga alegasyon laban sa dating Speaker.
Sinabi rin niyang sinusuportahan ito ng pahayag ng 25 iba pang testigo na kumukuwestiyon sa mga naunang alegasyon ng 18 “Maleta Boys.”















