-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Kiko Pangilinan ang pamahalaan na unahin ang mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang kapos sa buhay sa paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.

Ayon kay Pangilinan, dapat nang maglatag ng mga hakbang ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga sektor na higit na maaapektuhan ng matagal na tagtuyot, posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain at pagkawala ng kabuhayan.

Binigyang-diin ng senador na mas makabubuting maagap na maghanda kaysa magturuan at magsisihan kapag nararanasan na ang epekto ng naturang weather phenomenon.

Kabilang sa mga dapat paghandaan ng mga ahensya ng pamahalaan ang sapat na suplay ng mga pangunahing pangangailangan, lokasyon ng mga imbakan, at maayos na sistema ng pamamahagi ng tulong sa mga komunidad na higit na mangangailangan nito.

Iminungkahi rin ni Pangilinan ang paghahanda ng mga water tanker, bomba ng tubig, kagamitan sa water treatment at mga repair team upang agad na maipadala sa mga lugar na makararanas ng kakulangan sa tubig.

Dapat ding tukuyin ang mga barangay na mataas ang panganib, magsagawa ng imbentaryo ng mga relief supply at maglatag ng malinaw na iskedyul ng pamamahagi upang matiyak na hindi maaantala ang pagdating ng tulong.

Giit ng senador, kailangang kumilos ang pamahalaan habang maaga pa upang matiyak na may sapat na suplay at maayos na sistema ng pagtugon bago pa lumala ang epekto ng Super El Niño.