-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang mahigpit na pagbabantay at pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga hoarder, mapagsamantala sa presyo at kartel ng pagkain sa harap ng banta ng matinding El Niño na maaaring magpababa sa produksiyon ng agrikultura at magpataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bilang chairman ng Senate Committee on Agriculture nanawagan si Pangilinan sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Price Coordinating Council (PCC) at iba pang kinauukulang ahensiya na paigtingin ang pagmamanman sa mga pamilihan at tiyaking naipatutupad ang price freeze sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity.

Sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, na inamyendahan ng Republic Act 10623, awtomatikong ipinaiiral ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity.

Binigyang-diin ni Pangilinan na dapat imbestigahan at sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga indibidwal at kumpanyang sangkot sa pagtatago ng suplay, pagsasamantala sa presyo at manipulasyon ng pamilihan. Aniya, hindi dapat mga nagtitinda lamang ang managot, kundi pati ang mga may-ari ng malalaking negosyong nasa likod ng mga sindikato.

Ayon sa senador, kailangang tiyakin ng pamahalaan ang sapat na suplay ng pagkain at mahigpit na bantayan ang presyo nito upang maprotektahan ang mga mamimili, lalo na sa harap ng panganib na idudulot ng El Niño sa produksiyon ng agrikultura.