-- Advertisements --

Pinuri ng Department of Agriculture ang preventive suspension ng Ombudsman sa tatlong DPWH officials kaugnay ng umano’y “ghost” farm-to-market road projects sa Davao Occidental.

Noong Mayo 21, nagsampa ang DA ng reklamo laban sa ilang DPWH officials at private contractors dahil sa walong farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng mahigit P94 milyon.

Ayon sa DA, idineklarang tapos at fully paid ang ilang proyekto kahit hindi pa kumpleto. Sa isang proyekto, iniulat na 100-percent complete kahit patuloy pa itong ginagawa sa kabila ng buong bayad na inilabas noong 2023.

Isinailalim sa preventive suspension nang hanggang anim na buwan sina DPWH officials James Ryan Jabonero, Jonathan Relacion, at Zesrel Cuga habang nagpapatuloy ang proceedings sa kaso.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang matiyak na napapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda ang mga farm-to-market road dahil nakatutulong ang mga ito sa pagpapababa ng gastos sa transportasyon at pagpapabilis ng pagdadala ng produkto sa merkado.

Giit ng DA, dapat matiyak na nagagamit sa tamang layunin ang pondo para sa imprastraktura. Mananatiling sasailalim sa imbestigasyon at paghatol ang mga alegasyon laban sa mga respondent.