Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat at matatag ang suplay ng langis sa southern Mindanao sa kabila ng pinsalang dulot ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon noong Lunes ng umaga.
Sa inilabas na pahayag ng ahensya, sinabi nitong walang naitalang malaking pagkaantala sa fuel supply chain at sapat ang kasalukuyang imbentaryo upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.
‘Wala rin daw dahilan upang mag-panic buying ng gasolina at iba pang produktong petrolyo ang publiko dahil nananatiling normal ang suplay sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, prayoridad ng pamahalaan na matiyak ang tuloy-tuloy na pagdating ng mahahalagang serbisyo at suplay sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
Sinabi rin ng DOE na karamihan sa mga fuel depot, storage facility, at LPG refilling plants sa Regions XI at XII ay normal ang operasyon at walang naitalang matinding pinsala.
Sa General Santos City, dalawa sa tatlong fuel import terminals ang muling nagpapatakbo ng operasyon, habang ang isa ay sumasailalim pa sa pagkukumpuni matapos magtamo ng bahagyang pinsala. Target itong makabalik sa operasyon sa Hunyo 11.
Samantala, karamihan din sa mga gasolinahan sa mga apektadong rehiyon ay nananatiling bukas.
Sa kabuuan, 47 lamang na gasolinahan ang pansamantalang hindi operational dahil sa minor structural damage, pagkawala ng kuryente, o patuloy na safety inspections matapos ang lindol.
Binigyang-diin ng DOE na walang banta ng kakulangan sa suplay ng langis at sapat ang mga stock upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan ng publiko.
















