Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang isang power utility na ibalik ang P1.98 bilyon sa mga konsyumer nito kasunod ng muling pagtatasa sa regulatory asset base ng kompanya at pagbasura sa ilang gastusin sa pensiyon at benepisyo ng mga empleyado.
Batay sa pahayag ng ERC nitong Huwebes ng gabi, nakaugat ang direktiba sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong NASECORE v. ERC at pinagtibay ng komisyon sa kanilang pulong noong Nobyembre 26 kaugnay ng unbundling case ng kompanya.
Magsisimula ang refund sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng power utility ang kautusan, lilitaw bilang hiwalay na linyang may nakalagay na “RAB Refund” sa bill, at tatagal nang tatlong buwan o hanggang mabawi ng mga konsyumer ang buong halaga.
Makakakuha ang mga residential at small commercial customer ng P0.2611 kada kilowatt-hour (kWh), o tinatayang P52 kada buwan at P157 sa kabuuan ng tatlong buwan para sa tahanang kumukonsumo ng 200 kWh buwan-buwan.
Ayon kay ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan, tugma sa panahon ang refund upang pagaanin ang taas-singil sa generation charges, at binigyang-diin na sa ilalim ng EPIRA, makatwirang gastos lamang at hindi ang mga hindi maipaliwanag na bayarin ang dapat ipasa sa publiko.














