Isinasapinal na ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanda sa magiging latag ng seguridad sa ikalimang ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sunod na Lunes, Hulyo 27.
Ayon kay PNP chief PGen. Melencio Nartatez Jr., naisapinal na ang komprehensibong security plan para sa SONA at nasa huling yugto na rin ng koordiansyon ang mga yunit gayundin ang kanilang rehearsals at deployment para matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagtitipon para sa lahat.
Nauna nang sinabi ng pambansang pulisya na nasa 20,000 kapulisan ang ipapakalat kasabay ng taunang ulat sa bayan ng pangulo katuwang ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga otoridad sa partner agencies at mga lokal na pamahalaan para masigurong episiyenteng maisasagawa ang security operations at mapangasiwaan ang trapiko.
Kaugnay naman ng mga inaasahang kilos-protesta na ikakasa kasabay ng SONA, nagpaalala ang pulisya na pairalin ang maximum tolerance, manatiling propesyunal at igalang ang constitutional rights ng bawat Pilipino.
















