Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng mahigpit na seguridad para sa gaganaping White Ribbon Movement rally sa Hunyo 28 sa Edsa People Power Monument, kung saan inaasahang dadalo ang nasa 10,000 katao.
Ang pagkilos, na pangungunahan ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation kasama ang mga religious group at civil society, ay nananawagan ng reporma sa halalan, mas mataas na pananagutan ng pamahalaan at mga hakbang laban sa korupsiyon at political dynasties.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., prayoridad ng pulisya na mapanatiling mapayapa ang pagtitipon at maiwasan ang anumang kaguluhan.
Kaugnay nito, inatasan na rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang yunit ng pulisya na magsagawa ng masusing security assessment sa lugar at mga kalapit na imprastraktura.
Tiniyak din ng PNP na igagalang nito ang karapatan sa mapayapang pagtitipon habang nananatiling walang kinikilingan sa pulitika at nakatuon sa kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Ayon sa lead convenor ng religious group na si Bishop Colin Bagaforo, ang naturang rally at karugtong ng Trillion Peso March protests na isinagawa noong nakaraang taon.
















