-- Advertisements --

Magkakasa ng panibagong malakihang “Trillion Peso March” ang mga lider ng Simbahang Katolika, iba pang religious groups, at civil society organizations sa darating na Hunyo 28.

Ang pagkilos na ito ay kasunod ng mga naunang protesta na naglalayong ipanawagan ang pananagutan sa gitna ng mga iskandalo ng korapsiyon sa bansa.

Ayon kay Bishop Colin Bagaforo, lead convenor ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Inter-Religious Leaders’ Council for National Transformation at obispo ng Kidapawan, tatawaging “White Ribbon Movement March” ang nasabing rally.

Gaganapin ang aktibidad sa People Power Monument, na inilarawan niya bilang isang pagkilos na faith-based, faith-generated, at bunga ng pagninilay, panalangin, pakikinig, at shared responsibility sa Diyos.

Magsisimula ang martsa ng tanghali patungo sa monumento. Layunin nitong ipaalala sa pamahalaan na karapat-dapat ang mga Pilipino sa isang mas magandang kinabukasan. Makakamit lamang aniya ito sa pamamagitan ng tapat na pulitika na naglilingkod sa interes ng mamamayan, nagtataguyod ng dignidad ng tao, at ginagabayan ng hustisya sa halip na kasakiman.

Binigyang-diin din ng obispo na dapat panagutin at ipakulong ang mga sangkot sa korapsiyon. Kasabay nito, ipapanawagan din ng grupo ang pagpapatupad ng isang tunay na batas laban sa political dynasty.

Inanyayahan din ni Bishop Bagaforo ang lahat ng religious groups, civil society, non-government organizations, educational associations, pati na ang mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa na makiisa sa rally. Panawagan niya ang sama-samang pagdarasal upang dinggin ng Diyos ang boses ng taumbayan, magbago ang sistema ng pamumuno, at makinig ang mga tiwali sa boses ng katotohanan.