Inilatag na ng ilang church at civil society groups ang mga aktibidad para sa ikatlong Trillion Peso March sa Miyerkules, Pebrero 25, kasabay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Sa isang statement na inilabas ngayong Biyernes, Pebrero 20, isasagawa ang mga naka-schedule na aktibidad sa EDSA Shrine, People Power Monument at Eton Centris.
Ayon sa mga grupo, idaraos ang main event sa People Power Monument sa may EDSA sa ilalim ng temang “Tayo ang People Power Laban sa Korapsyon at Dinastiya.”
Sa naturang pagtitipon, ipapanawagan ng mga grupo ang pagpasa sa Anti-Dynasty Law, ang Party-List Reform Law at iba pang sistematikong reporma. Gayundin, ipapanawagan ang pag-usig sa mga pangunahing perpetrator sa flood control scandal, pagsusulong para sa pagpasa ng Independent People’s Commission and Independent Commission Against Infrastructure Corruption bills at ang pagdemand sa pagrekober ng nakaw na yaman mula sa mga plunderer.
Ayon sa organizers, may apat na bahagi ang programa. Sa unang bahagi, sisimulan ito ng prayer march mula sa EDSA Shrine dakong alas-siyete ng umaga patungong People Power Monument, susundan ito ng programa sa hapon na papangunahan ng civic at church-based coalitions kung saan bandang alas-tres ng hapon isasagawa ang main program.
Sa ikatlong bahagi, magdaraos ng evening mass sa EDSA Shrine alas-sais ng gabi na papangunahan ni Archbishop Socrates Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan. Sa huling bahagi, magsasagawa rin ng youth event at libreng konsyerto tampok ang Ben & Ben at iba pang artists na inorganisa ng Caritas Philippines sa Eton Centris.
Samantala, magdaraos din ng nationwide commemoration sa 86 na catholic diocese mula Pebrero 22 hanggang 25, para sa anibersaryo ng EDSA Revolution.
















