Dumalo sa misa sa EDSA Shrine ang ilang House prosecutors nitong Linggo upang humingi ng gabay at basbas bago simulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa dumalo sina Mamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Ayon kay De Lima, humihingi sila ng lakas, karunungan, at gabay sa kanilang paggampan ng kanilang tungkulin bilang prosecution panel upang mapanagot si Duterte sa ilalim ng Saligang Batas.
Umaasa rin si De Lima na magiging patas at politically neutral ang mga senador na uupo bilang impeachment judges sa pagdinig na sisimulan ng Senado ngayong Lunes, Mayo 18.
Samantala, sinabi naman ni Ridon na kumpiyansa siyang matibay ang ebidensya laban sa Bise Presidente at naniniwala siyang makukumbinsi nila ang senator-judges na hatulan si VP Sara base sa ebidensya at konsensya.
















