Binabantayan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pag-usad ng impeachment trial sa Senado, ayon kay Episcopal Commission on Inter-Religious Dialogue head, Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ayon sa Catholic leader, dati nang nakabuo ang Simbahang Katolika at ang iba pang religious sects ng ‘Inter-religious Leaders’ Council for National Transformation’ na aktibong nagbabantay sa social issues tulad ng impeachment trial.
Sa panig ng Catholic Church, nananatili aniya ang katayuan nitong pagpapanagot sa sinumang pinaghihinalaan o inaakusahang gumawa ng anumang krimen, anuman ang kaniyang posisyon.
Nilinaw din ni Bishop Bagaforo na hindi nila kinokondena ang pangalawang pangulo, o gumagawa ng ‘stand’ o pagsuporta sa sinumang opisyal.
Sa halip, nais lamang aniya ng simbahan na manaig ang batas at masunod ang constitutional process.
Hinimok din ng Catholic leader ang publiko at ang mga kapwa alagad ng Simbahan na hayaan lamang na umusad ang impeachment process habang binabantayan ang kaganapan sa impeachment court.
Bahagi ito aniya ng itinuturo ng Simbahan na pag-iral ng hustisiya at pananagutan – dalawa sa mga pangunahing ipinaglalaban ng Catholic Church.
















