Pinayagan ng pamahalaang lungsod ng Quezon na magamit ang White Plains Avenue para sa ikatlong yugto ng Trillion Peso March na isasagawa kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Ayon kay QC Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, ito ay iba mula sa dating setup kung saan ilang motorsiklo ang papayagang makadaan. Hindi aniya tulad noong nakaraan na hinati dahil nagiging hamon dito ang trapiko.
Aniya, ilalaan ang buong kahabaan ng White Plains na may habang isang kilometro para sa Trillion Peso March.
Nakatakda namang maglabas ng rerouting schemes para sa maayos na daloy ng trapiko sa kasagsagan ng naturang rally.
Ginawa ng LGU official ang pahayag kasunod ng isinagawang walk through inspection ng organizers at mga awtoridad sa White Plains Avenue bilang paghahanda sa ilulunsad na protesta.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga organizer at dadalo na sumunod sa memorandum of agreement na nilagdaan ng city government.
Ipinaalala naman ang mga ipinagbabawal gawin sa kasagsagan ng protesta kabilang ang pagsusunog ng mga materyales, paggamit ng malakas na sound systems bilang konsiderasyon na rin sa mga karatig na residential areas at bawal din ang pagdadala ng mga delikadong bagay.
Inaasahang papalo sa 30,000 hanggang 50,000 ang lalahok sa ikatlong Trillion Peso March, mas mababa sa inisyal na pagtayang 100,000 dahil magdaraos ng hiwalay na mga rally ang ilang grupo sa ibang lugar.















