-- Advertisements --

Ikinalugod ng house prosecutors ang rekomendasyon ng Quezon City prosecutor’s office na ibasura ang reklamo ni Atty. Manases “Mans” Carpio kaugnay ng umano’y iligal na pagbubunyag ng financial records nila ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Prosecutor Rep. Terry Ridon, nararapat lamang na ibasura ang reklamo na aniya’y walang sapat na batayan at bahagi lamang ng pangha-harass sa mga mambabatas na nagsasagawa ng impeachment proceedings.

Samantala, sinabi ni Rep. Joel Chua na napapanahon ang desisyon dahil nakatakdang simulan ng prosecution ang presentasyon ng ebidensya para sa article II o alegasyon ng unexplained wealth.

Sa 23-pahinang resolusyon, sinabi ng prosecutors’ office na ang mga hakbang ng mga respondent ay ginawa kaugnay ng kanilang opisyal na tungkulin at walang sapat na ebidensya upang patunayan ang umano’y paglabag sa bank secrecy law, data privacy act at Anti-Money Laundering act.

Sinabi naman ng kampo ni Carpio na maaari nilang iakyat o muling ihain ang reklamo sa Office of the Ombudsman, dahil ang dismissal ay walang prejudice at hindi nangangahulugang nalutas na sa merito ang mga alegasyon.