Binalaan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang mga ‘tolongges’ o mananamantal sa mga bibisita ng sementeryo.
Sa panayam sa alkalde, mariin siyang nagbabala sa mga kawatan na aniya’y hindi umano ‘welcome’ sa lungsod ng Maynila.
Kanyang sinabi na maraming nagkalat na Closed-Circuit Television o CCTV Cameras sa paligid ng sementeryo at gayundin ang pagbabantay ng mga kapulisan.
Hinimok na lamang ng alkalde ang mga tinaguriang ‘tolongges’ na magbanat ng buto o magtrabaho ng marangal kaysa manamantala o mambiktima.
Layon aniya ng pamahalaan panglungsod na maging solemne at makabuluhan para sa mga bibisita, taga-Maynila man o hindi ngayong Undas 2026.
Maliban sa lokal na pamahalaan, nagbigay babala rin maging si National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano.
Bagama’t aminadong hindi talaga maiiwasan na may mga mananamantala lalo pa’t sa dami ng tao, makatitiyak umanong nakabantay naman ang mga kapulisan.
Seseguraduhin aniya nila na maipatutupad ang batas upang maibsan ang mga krimen na posibleng mangyari.
Kung sakali man magpatuloy pa rin ang mga kawatan sa kanilang masamang hangarin, tiyak umanong huhulihin sila ng mga kapulisan at papanagutin sa batas.
Sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng bawat isa, ilang ulit na ipinapaalala ng pamunuan ng mga sementeryo ang mga bagay na mahigpit ipinagbabawal na dalhin ng mga bibisita.
Ilan sa mga ito ay ang matatalim na bagay, alak o inumin nakalalasing, speaker, alagang mga hayop at iba pa.













