Inaasahan ang mahigit 30,000 katao na lalahok sa ikatlong “Trillion Peso March” sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa EDSA People Power.
Layunin ng kilos-protesta na igiit ang mas matinding aksyon laban sa katiwalian, lalo na sa flood control projects.
Ayon kay Tindig Pilipinas co-convenor Francis “Kiko” Aquino Dee, magsisimula ang prayer march alas-otso ng umaga mula sa EDSA Shrine sa ilalim ng temang “Tayo ang People Power Laban sa Korapsyon at Dinastiya.”
Aniya, bagama’t may ilang “big fish” nang nahaharap sa kaso, kabilang si dating Senador Bong Revilla at sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, kulang pa rin umano ang pag-usad ng mga imbestigasyon.
Nagpahayag din siya ng pangamba na may ilan umanong nakaiiwas sa pananagutan dahil sa pagiging malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, isa sa pangunahing panawagan ng kilos-protesta ang pagpasa ng batas para sa isang independent body na may kapangyarihang mag-imbestiga ng katiwalian, hiwalay sa impluwensya ng Malacañang.
Gaganapin ang pangunahing programa sa People Power Monument alas-dose ng tanghali, susundan ng misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni dating CBCP President Archbishop Socrates Villegas at konsiyerto ng Caritas Philippines bilang pag-alala sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.
















