-- Advertisements --

Tumutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pag-iimbestiga sa pagguho ng 9-storey bulding sa Angeles City, Pampanga.

Ito ay para matukoy ang ugat ng insidente at ang mga posibleng paglabag sa safety at building regulations.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nagpapatuloy din ang mga isinasagawang rescue operations sa gitna ng mapanganib na kondisyon bunsod ng mga hindi stable na debris at live power lines.

Nauna nang nagdeploy ang Police Regional Office 3 ng mahigit 100 pulis para tumulong sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines at Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office sa isinasagawang search and retrieval operations, pangangasiwa ng trapiko at pagbibigay ng seguridad sa lugar.

Nag-abiso naman ang PNP sa publiko na huwag magtungo sa lugar para hindi makasagabal sa isinasagawang mga operasyon.

Base sa pinakahuling ulat, apat na katao na ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng gusali, habang mayroon pang 17 ang kasalukuyang nawawala. Nailigtas naman na ang 26 mula sa 47 biktima. Nauna nang napaulat na karamihan sa mga biktimang na-trap ay mga construction worker.