-- Advertisements --

Tutulong na ang ilang private investigator sa pag-iimbestiga sa gumuhong 9-storey building sa Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr., kumuha ang city government ng hiwalay na mga pribadong imbestigador upang masigurong ‘impartial at credible’ ang pagsisiyasat sa naturang insidente.

Katwiran ng alkalde, hindi simpleng imbestigasyon ang mangayayari sa gumuhong gusali at sa halip ay nais ng lokal na pamahalaan na matunton ang buong dahilan ng pagguho nito, at ang pananagutan ng mga may-ari at contractor ng naturang proyekto.

Ang pagkuha rin ng mga private investigator aniya ay upang hindi lamang nakadepende sa gobiyerno ang isasagawang imbestigasyon.

Ayon sa alkalde, nangako naman ang building owner at ang contractor na sila ay makikipagtulungan at hindi magtatago.

Pabor din ang alkalde na mapatawan ang mga ito ng hold departure order o hindi muna payagang makabiyahe palabas ng Pilipinas, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kanilang palpak na proyekto.

Sa kasalukuyan, umabot na sa anim na labi ang nailabas mula sa gumuhong gusali habang nagpapatuloy pa rin ang paghahalughog.