Naka-high alert ang Philippine Red Cross (PRC) sa gitna ng nagpapatuloy na pag-responde sa gumuhong gusali sa may Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Ayon sa PRC, nakikipag-tulungan na ang kanilang ipinadalang teams sa mga lokal na otoridad.
Base sa ground report ng PRC nitong umaga ng Lunes, Mayo 25, nasa 26 ang nailigtas na mula sa 47 apektadong indibidwal habang patuloy naman ang paghahanap sa 18 pang napaulat na nawawala at kinumpirma rin ng organisasyon ang naunang dalawang nasawi.
Nagdeploy na ang PRC ng Collapsed Structure Search and Rescue at Emergency Medical Services teams mula sa kanilang chapters sa Pampanga at Olongapo para tumulong sa nagpapatuloy na rescue efforts.
Mayroon ding nakalatag na 24/7 Welfare Desk sa Ospital Ning Angeles para magbigay ng Restoring Family Links at psychosocial support para sa mga pamilya ng mga biktima.
















