-- Advertisements --

In-activate na ng Philippine Red Cross ang kanilang disaster monitoring and emergency response network kasunod ng pagsabog ng bulkang Kanlaon nitong umaga ng Huwebes, Hulyo 9.

Ayon sa PRC, bagamat walang naiulat na ashfall o pagbagsak ng abo mula sa bulkan sa Negros Occidental, nakaranas ng pag-ulan na may halong abo ang Canlaon City, Negros Oriental.

Sa isang pahayag, sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na naka-standby na ang kanilang rescue fleets, in-activate rin ang kanilang volunteer network at tinutunton ang ashfall zones para protektahan ang mga pamilya at masigurong nakahanda ang mga relief packs.

Nananatili naman aniyang gumagana ang lifelines gayundin nadaraanan ang mga kalsada at tulay at wala pang aktibong evacuation centers.

Nananatili namang nakataas ang alerto ng PRC at pinakilos na rin ng local chapters ang mga volunteer para mabantayan ang sitwasyon sa mga apektadong lugar.