-- Advertisements --

Nagkaloob ang Philippine Red Cross (PRC) ng kabuuang P56.1 milyong halaga ng tulong para sa pabahay at pangkabuhayan ng mga pamilyang labis na naapektuhan ng lindol at bagyo sa Bogo City at San Remigio, Cebu.

Isinagawa ang turn-over ceremony sa Don Celestino Sports Complex nitong Linggo, Nobyembre 22, 2026, sa pangunguna ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, kasama sina Secretary General Dr. Gwendolyn T. Pang at mga lokal na opisyal.

Mula sa nasabing pondo, P37.4 milyon ang inilaan para sa shelter repair assistance kung saan nakatanggap ng P16.3 milyon ang 203 kabahayan sa Bogo City, habang P21.1 milyon naman ang napunta sa 302 kabahayan sa San Remigio.

Bukod dito, naglaan din ang PRC ng P15.3 milyon para sa full shelter assistance, na sasagot sa mga materyales at gastusin sa pagpapatayo o pagkukumpuni, para sa 60 kabahayan sa Bogo City at 74 sa San Remigio.

Samantala, umaabot naman sa P2.8 milyon ang ipinamahaging tulong pangkabuhayan para sa 320 kabahayan, kung saan bawat pamilya ay nakatanggap ng paunang P9,000 upang muling makapagsimula ng kanilang mapagkakakitaan.

Ayon kay Gordon, layunin ng programa na hindi lamang muling itayo ang mga nasirang tahanan kundi ibalik din ang dignidad, kaligtasan, at pag-asa ng mga biktima ng kalamidad.

Tiniyak naman ni Dr. Pang na hindi nagtatapos sa agarang pagtugon sa emerhensiya ang tulong ng PRC, kundi patuloy nilang aalalayan ang mga komunidad hanggang sa tuluyang makabangon ang mga apektadong pamilya.