-- Advertisements --

Mas malapit na sa mga komunidad ng Eastern Laguna ang serbisyong pangkalusugan at pang-humanitarian matapos buksan ng Philippine Red Cross ang bagong Siniloan Branch at Blood Collecting Unit/Blood Station noong Hunyo 15, 2026. Ito na ang ika-apat na sangay ng PRC sa Laguna na magsisilbi sa walong bayan ng Eastern Laguna at kalapit na lugar sa Rizal at Quezon.

Ang pasilidad ay magbibigay ng mas madaling access sa blood collection, storage, at distribution upang matiyak na may sapat at ligtas na suplay ng dugo para sa mga pasyente at ospital. Bukod sa blood services, magsisilbi rin itong humanitarian hub na magdadala ng iba’t ibang programa ng Red Cross gaya ng emergency response, disaster preparedness, health and welfare programs, at volunteer development.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, ang pagbubukas ng sangay ay bahagi ng kanyang pangmatagalang layunin na palawakin ang network ng Red Cross upang mas mailapit ang serbisyong pangkaligtasan sa mga tao. Pinuri naman ni Laguna Governor Marisol Aragones ang proyekto, na aniya’y magbibigay ng mahalagang tulong sa mga mamamayan ng lalawigan.

Ang pagtatayo ng pasilidad ay bunga ng inisyatiba ng yumaong Mayor Rainier Leopando, na ipinagpatuloy nina Mayor Patrick Ellis Go at dating Rep. Maria Jamina Katherine Agarao-Oloroso. Hinikayat ni Mayor Go ang mga residente na makiisa sa blood donation drives at iba pang programa ng Red Cross upang mapanatili ang serbisyong pangkaligtasan sa lugar.

Sa pamumuno nina Jaime B. Ching at EnP. Frank Gray Sorromero ng PRC Laguna Chapter, naisakatuparan ang proyektong ito na magdadala ng mas malapit na tulong at pag-asa sa Eastern Laguna at mga karatig na komunidad.