Naniniwala si Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na magpapalakas ng morale ng mga miyembro ng Lakas-CMD ang pagsali sa partido ni House Majority Leader Sandro Marcos, kasunod ng pagkakaaresto at pagkakakulong ni dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng plunder case.
Kinumpirma nina Luistro at House Deputy Speaker Janette Garin nitong Huwebes ang paglipat ng anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa partido. Ayon kay Luistro, makatutulong ang presensiya ni Sandro, bilang majority leader at anak ng Pangulo, upang mapalakas ang kumpiyansa ng mga miyembro.
Malugod namang tinanggap ni Garin ang bagong miyembro at sinabing bukas ang partido sa mga kabataang makatutulong sa kanilang adbokasiya.
Itinanggi nina Luistro at Garin na layunin ng paglipat na kontrolin ang impluwensiya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa partido o may kaugnayan ito sa mga espekulasyong maaaring pumalit si House Speaker Bojie Dy kay Vice President Sara Duterte sakaling mahatulan ito sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, wala siyang nakikitang koneksiyon sa pagitan ng paglipat ni Sandro at ng impeachment case. Aniya, maaga pa para pag-usapan ang posibleng kapalit ng bise presidente habang hindi pa natatapos ang paglilitis.














