Pormal nang binigyang pugay ng Kamara de Representantes ang Pinoy pop group na BINI matapos itong makagawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival.
Kasunod ito ng House Resolution No. 93, kung saan kinilala ng Kamara ang malaking ambag ng grupo sa pagpapalawak ng impluwensiya ng P-pop at Original Pilipino Music (OPM) sa international scene.
Nakasaad pa sa resolusyon na ang tagumpay ng BINI ay nagpapakita ng lumalakas na pandaigdigang presensiya ng mga artistang Pilipino at nagsisilbing inspirasyon sa mga nangangarap na artista at creatives sa buong bansa.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander ”Sandro” Marcos III, sumasalamin ang tagumpay ng BINI sa talento at pagkamalikhain ng mga Pilipino.
Sinabi pa ng kongresista na inspirasyon ang grupo sa mga kabataang Pilipino na nangangarap makilala sa larangan ng musika at creative industries.
Binubuo ang BINI nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna at Sheena.
Samantala maalalang ang grupo ay kamakailang nagtanghal noong Abril 10 at 17, 2026 sa Empire Polo Club sa Indio, California, kung saan kanilang inawit ang ilan sa kanilang mga hit songs tulad ng “Pantropiko,” “Karera,” at “Salamin, Salamin,” kabilang na rin ang bagong kantang “Blush.”
















