-- Advertisements --

Idinawit nang nagpakilalang 18 na dating Marines ang Presidential son at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos kaugnay ng umano’y pagtanggap ng mga male-maletang pera sa isinagawang imbestigasyon ng Cayetano bloc para sa maanumalyang flood control projects.

Sa pagdinig noong Huwebes, sinabi ni Belnard Tube, isa sa mga nagpakilalang dating sundalo na personal niyang nakita mismo ang presidential son sa isang bahay sa Ilocos noong 2022.

Ipinakita rin nito sa pagdinig ang isang litrato kung saan magkasama umano silang dalawa.

Tinanong ni Senadora Imee Marcos ang testigo kung may dala silang mga maleta at kung sino ang tumanggap ng mga ito.

“May dala kayong mga maleta? Iniwan na ninyo doon? Kanino po?” tanong ng senadora.

“Yes po. Diyan po sa bahay po ang nag-receive po, ma’am, si Cong. Sandro na po eh,” sagot ni Tube.

Bukod kay Sandro Marcos, isinama rin ng mga testigo sa kanilang mga alegasyong nakatanggap ng maletang pera sina dating senador Antonio Trillanes IV.

Ayon sa isa sa kanila, naghatid umano siya ng isang malaking paper bag na naglalaman ng tinatayang P5 million hanggang P6 million at kalaunan ay anim na maleta pa.

Ikinuwento rin ng mga nagpakilalang dating sundalo ang umano’y paghahatid nila ng mga maletang pera sa mga bahay na iniuugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa McKinley at South Forbes Park sa Makati.

Ayon sa isang testigo, nakapaghatid umano siya ng 52 maleta sa isang bahay sa McKinley, habang 26 naman ang naihatid ng isa pang testigo sa South Forbes Park.