Wala pa ring patid ang isinasagawang search, rescue at retireval operations makalipas ang halos isang linggo na mula nang gumuho ang siyam na palapag na gusali sa Balibago,Angeles City, Pampanga noong madaling araw ng Mayo 24.
Ayon kay BFP-Region 3 Public Information Office chief Fire Supt. Maria Leah Sajili na gumagamit na sila ng iba’t ibang paraan upang masuyod ng maigi ang gumuhong gusali kung mayroon pang maaaring maisalba.
Iniulat rin ng BFP official na nananatili sa anim ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa trahediya habang nasa humigit-kumulang sa 14 na katao pa rin ang nawawala.
Hindi naman makumpirma pa sa ngayon kung lahat ng mga nawawalang indibidwal ay contruction workers.
Sinabi rin ni Sajili na may mga motorsiklo, cash box at payong silang narekober mula sa site ng gumuhong gusali kayat posible umanong nadamay na rin ang nauna nang napaulat na mag-amang naglalako gamit ang push cart malapit sa gusali.
Patuloy naman ang paghahanap ng ipinakalat na K-9 unit ng Philippine Coast Guard sa mga lokasyon na may na-detect na paggalaw sa ilalim ng mga guho.
Subalit nilinaw ng BFP official na ang mga paggalaw ay hindi awtomatikong nangangahulugang may tao o buhay pa sa lugar.













