Arestado ang isang lalaking nagpanggap na survivor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Balibago, Angeles City, Pampanga.
Nauna nang nag-viral ang video ng lalaki matapos niyang ikwento sa panayam sa kaniya ng media na nakaligtas siya mula sa trahediya dahil bumili siya ng beer malapit sa lugar nang maganap ang pagguho.
Subalit, nabunyag sa paunang imbestigasyon na hindi siya survivor at hindi rin kaanak ng mga biktima ng insidente. Napag-alaman din na hindi siya residente ng Angeles City.
Inamin din umano ng lalaki na gawa-gawa lamang ang kanyang kuwento.
Napag-alaman din na tumanggap ang lalaki ng tulong pinansiyal mula sa DSWD noong Mayo 27 at muling humingi ng dagdag na ayuda, kaya’t dito na sinuri ang kanyang pagkakakilanlan.
Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng pulisya ang lalaki habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.
Mariing kinondena naman ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang pananamantala sa trahedya para sa pansariling kapakinabangan. Aniya, panahon ngayon ng pakikiramay, katapatan at pag-unawa, hindi ng pagsasamantala.
Nagbabala rin ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles sa publiko at media na maging mapagmatyag laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na biktima o survivor ng gumuhong istruktura.














