Pumalo na sa 12 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng siyam na palapag na gusali na nasa ilalim ng konstruksyon sa Angeles City, Pampanga matapos makuha ang panibagong biktima nitong madaling araw ng Lunes, Hunyo 1.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)–Central Luzon, ang ika-12 biktima ay nakuha dakong alas-4:12 ng madaling araw, ilang oras matapos itong unang matukoy bandang alas-10:46 ng gabi noong Linggo.
Sinabi ng BFP na gumamit sila ng iba’t ibang kagamitan tulad ng pry bars, sledge hammers, jack hammers, at acetylene cutting tools upang mabutas ang makapal na konkreto at maputol ang mga bakal na sagabal sa retrieval operations.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng disinfection procedures ang Angeles City Health Office sa buong operasyon upang maprotektahan ang mga responder na nagtatrabaho sa lugar dahil sa iniulat na masangsang na amoy sa naturang lugar.
Patuloy pa rin ang search and retrieval operations habang sinusuyod ng mga awtoridad ang mga labi ng gumuhong gusali.
Sa pinakahuling tala, 27 sa 47 na biktima ang nailigtas, habang walo pa ang patuloy na pinaghahanap.
Matatandaang nagsimula ang trahedya noong Mayo 24, 2026, nang gumuho ang itinatayong gusali, na nagdulot ng malawakang multi-agency rescue operation sa lungsod.
















