-- Advertisements --

Kumpirmadong 11 na ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng isang siyam na palapag na gusaling under construction sa Angeles City, Pampanga matapos makuha ng mga awtoridad ang isa pang bangkay nitong Linggo ng gabi, Mayo 31.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)–Central Luzon, ang ika-11 biktima ay narekober dakong alas-10:33 kagabi kung saan pagsapit ng alas-10:50 ng gabi, opisyal nang itinaas ang bilang ng mga nasawi.

Nabatid na limang bangkay ang narekober ng mga rescue team kahapon. Nakita ang ikapitong biktima sa umaga, habang tatlo pang iba ang narekober sa magkakahiwalay na retrieval operations sa hapon bago natagpuan ang ika-11 biktima kagabi.

Ang lahat ng narekober na labi ay isinailalim sa Disaster Victim Identification (DVI) protocol upang matiyak ang tamang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Sa kabila ng mga matagumpay na retrieval operations, tinatayang siyam na katao pa ang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga rescue team sa ilalim ng mga debris ng gusali.

Matatandaang gumuho noong madaling araw ng Mayo 24 ang itinatayong siyam na palapag na gusali sa Teodoro Street, Barangay Balibago, na nagbunsod ng malawakang rescue operation na pinangunahan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.