Nagtipon ngayong araw, Oktubre 15, sa isang event venue sa Araneta City, Cubao ang mga mental health at psychological associations, gayundin ang mga youth development specialists, upang talakayin ang usapin ng paggamit ng social media ng mga kabataan.
Binigyang-diin ng grupo ang kanilang pagtutol sa panukalang blanket ban sa social media para sa mga Pilipinong wala pang 18 taong gulang.
Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing pag-aralan ang panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.
Ayon sa mga eksperto, bagama’t may mga panganib na dulot ng labis na exposure ng mga bata sa social media, hindi umano sapat na solusyon ang blanket ban para matugunan ang mga problemang ito.
Babala ng mga specialist, maaaring hindi tugma sa scientific evidence ang naturang polisiya at maaari pa itong magdulot ng mas maraming problema sa mga kabataan, kabilang ang epekto sa kanilang mental health at mas malaking exposure sa online risks.
Sa halip na blanket ban, inirekomenda ng grupo ang pagpapanatili ng umiiral na age restriction sa social media para sa mga batang wala pang 13 taong gulang, kasabay ng mas mahigpit na safeguards, digital literacy programs, at pagpapatupad ng mga polisiya ng social media platforms.
Layunin nitong mas maprotektahan ang mga kabataan online habang tinutugunan ang mga panganib ng social media sa pamamagitan ng mas angkop at evidence-based na mga hakbang.















