-- Advertisements --

Nanawagan si Parañaque Rep. Brian Raymund Yamsuan ng mas pinalakas na mental health support sa mga state universities and colleges (SUCs) sa gitna ng tumataas na bilang ng mga kabataang nakararanas ng anxiety at depression.

Sa ilalim ng kanyang inihain na House Bill No. 7354, isinusulong ang pagtatatag ng Mental Health Office (MHO) sa lahat ng SUCs na magkakaroon ng campus hotline at mga trained guidance counselors para tumulong sa mga estudyanteng may pinagdaraanang mental health concerns, lalo na ang mga posibleng nasa panganib ng self-harm o suicide.

Ayon kay Yamsuan, layunin ng panukala na punan ang kakulangan ng mga programa para sa mental health ng mga college students, na nahaharap hindi lamang sa academic pressure kundi pati sa stress, depresyon, bullying, at mga problemang dulot ng trabaho o pagiging malayo sa pamilya.

Ayon sa mga pag-aaral, 7.5% ng mga kabataang Pilipino edad 15–24 ang nakaranas ng suicidal thoughts, higit doble kumpara sa 3% noong 2013, habang umakyat naman sa 11% mula 7% ang bilang ng mga nakararanas ng depression. (Report by Bombo Jai)