-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala pang nakatakdang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at prime commodities, kabilang ang bottled water, sa kabila ng inaasahang epekto ng Super El Niño sa bansa.

Ayon kay DTI Secretary Maria Christina Roque, wala pa silang natatanggap na anumang kahilingan mula sa mga manufacturer para sa price increase ng mga pangunahing produkto.

Tiniyak ng kalihim na may sapat na supply sa merkado at patuloy ang kanilang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer upang mapanatili ang estabilidad sa pamilihan.

Hinimok din ni Roque ang publiko na iwasan ang panic buying o labis na pag-iimbak ng mga bilihin upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa supply.

Kaugnay naman sa nalalapit na holiday season, inihayag ng ahensya na wala pa ring naitatalang paggalaw sa presyo ng mga pampaskong bilihin sa kasalukuyan habang nakatutok pa ang DTI sa mga pangunahing bilihin.