-- Advertisements --

Hindi umano maituturing bilang mistrial ang naging ruling ng Senate Impeachment Court sa mga nilaglag na impeachment articles, ayon kay dating University of St. La Salle law school dean, Atty. Ralph Sarmiento.

Sa isang panayam, natanong ang batikang abogado kung maaari bang maging basehan ng mistrial ang naturang desisyon, at tuluyan itong kuwestyunin sa Supreme Court.

Pero ayon kay Sarmiento, ang naturang desisyon ay hindi katumbas ng mistrial dahil hindi naman ito maituturing bilang discrimination laban sa pangalawang pangulo.

Hindi rin aniya tinanggalan ng karapatan ang kaniyang kampo ng ‘full and fair opportunity’ para makapagpaliwanag at makapagpresenta sa impeachment court.

Hindi rin aniya tinanggalan ng pagkakataon ang respondent na kuwestyunin ang mga naipresentang testigo dahil mabibigyan pa rin ng pagkakataon ang kaniyang kampo na gawin ito sa pagbabalik ng trial proper sa Nobiyembre-9.

Sa isang regular na hukuman sa Pilipinas, nagkakaroon ng mistrial o maling paglilitis kapag ang mga legal na pamamaraan o proseso ng korte ay hindi nasunod nang tama, na nagreresulta sa paglabag sa karapatan sa due process, kapwa ng akusado o respondent, at ng prosecution.

Nangyayari ito kung hindi binigyan ng pagkakataon ang depensa na magpresenta ng sarili nitong mga saksi at ebidensya upang ipagtanggol ang akusado, o kung hindi binigyan ang prosekusyon (Estado) ng sapat na pagkakataon na patunayan ang kaso nito.